Wednesday, January 16, 2013

Barako Novel: Pagbabago 203

Ang Pagbabago
(Ang Pagpapatuloy ng Kuwentong: PAGKAMULAT)
by: Ginoong A. Serrez

Ikatlong Yugto: Pagsubok at Hamon

Nagulat pa ako sa biglang pagtunog ng alarm clock ko. Alas sais y medya na pala! Para akong natulog ng dilat dahil kahit gising ako buong magdamag ay tila mayroon pa akong nararamdamang lakas. Hindi talaga ako dalawin ng antok. Marahil ay sa maghapong pagtulog ko nang nakaraang araw; marahil rin nama'y sa mga alalahanin. Pero hindi ko na binigyan ng masyadong pansin kung anuman ang dahilan ng hindi ko pagkakatulog.

Bumangon ako at dumiretso na sa banyo upang magsepilyo. Pagkatapos ay tinimpla ko na sa maligamgam ang shower bago ako tuluyang pumasok at naligo. Sarap na sarap ako sa bawat pagpatak ng mainit-init na tubig sa aking likuran. Pakiramdam ko'y napapawi ang pagkapata at pagkahapo ng katawan ko. Nagbabad rin ako ng medyo matagal sa shower bago ako nagsabon at nag-shampoo. Makatapos maligo'y nagbihis rin ako agad ng uniporme. Pagbaba ko'y nagulat ako nang magisnan ko si Kuya Kevin sa kusina na nakaupo na at kausap ni Tita Mariana. Sa unang pagkakataon sa mga taon na narito ako sa bahay na ito, ngayon ko lang nakita si Kuya Kevin na naga-almusal. Pagbaling niya sa akin ay ngumiti siya ng matipid.

Bumati ako sa mga dinatnan, "Good morning, mommy... Kuya."

"Good morning hijo. Hmm, mukhang maganda ang gising mo ngayon, ha. Kumusta naman ang girlfriend mo?" halata sa tono ni Tita Mariana na nanunudyo ito.

Tiningnan ko si Kuya Kevin na patay-malisyang tumungo at kumagat ng bread toast. "Kuya, ha. Bad ka!"

Natawa si Kuya Kevin sabay sabing, "Good morning. Halika, tabihan mo ako dito."

"Hay naku... buti naman at naisipan mong mamasyal kayong magkapatid," muling wika ni Tita Mariana, kausap si Kuya Kevin, "Healthy iyan for both of you. Hindi iyong dito lang kayo sa bahay parati. Basta ingat lang kayo, at huwag magpapakalasing," payo pa nito habang papalapit ako sa kinaroroonan ng nakatatandang kapatid.

"Naku, si Kuya Kev pa? Eh, hindi nga umiinom ng beer iyan o maski na anong hard liquor. Allergic yata sa alcohol," tudyo ko, medyo mild. Nakita kong nagulat si Tita Mariana sa banggit ko at tiningnan ang ngingisi-ngisi lang na si Kuya Kevin.

"Really, anak? Aba'y that's even better!" masayang wika ni Tita Mariana.

"Mommy, my life is complicated enough. I don't want to make it even more complicated," parang wala sa sariling bitaw ni Kuya Kevin.

Parang naramdaman ko ang pagkaumid ni Tita Mariana kaya sinalo ko kaagad ang conversation, "Hayaan mo Kuya Kev, when things become complicated, katok ka lang sa kuwarto ko. Kuwentuhan tayo para mawala ang kung ano'ng masasamang elemento sa paligid. May pangontra ako diyan, eh. Hehehe."

Umakbay sa akin si Kuya Kevin, maganda ang ngiti nito bago ako sinubuan ng bread toast, "O, ito, kainin mo nang matigil ka na. Ang aga-aga, ang trip mo, drama." Kinagat ko naman ang isinusubo niyang tinapay. Nakita ko ang pangingislap ng mga mata ni Tita Mariana nang ngumiti siya sa akin. Nginitian ko siya bilang pagtugon.

"Good morning everyone…" dinig naming bati ni Kuya Keith habang papasok ito sa dining room, lumapit kay Tita Mariana at humalik sa pisngi nito, "sorry 'my, medyo tinanghali ako ng gising. Medyo napuyat kasi ako sa project ko, eh. Pero hindi pa naman ako late."

"Ang Kuya Kyle mo?" tanong ni Tita Mariana.

"Tulog pa... mukhang wala namang taping iyon, eh. Pero ang alam ko, may pasok yata mamayang hapon. Sa Wednesday yata, pupunta sila ng mga kasamahan niya sa Singapore. May shoot sila doon kasama iyong karamihan sa crew nila mula sa Malaysia at Singapore," paalam nito kay Tita Mariana saka kumuha ng upuan sa harap namin at nagsimulang silbihan ang sarili.

"Sabay-sabay na tayo pagpasok," bati ni Kuya Kevin kay Kuya Keith. Natawa talaga ako sa pamimilog ng mata ni Kuya Keith dahil sa pagkabigla. Napangiti ito ng maluwag pagdaka, "Wow, kuya! Ano'ng nakain mo? Are you sick?"

Saglit akong kinabahan sa binitiwang salita ni Kuya Keith at baka masundot na naman ang hindi magandang mood ni Kuya Kevin. Napatingin ako sa mukha nito, nguni't napayapa ako't napangiti nang tumawa lang ito sa litanyang iyon ni Kuya Keith.

"Loko," sagot nito, "samantalahin mo dahil bibihira lang ang ganitong mood ko."

"Yes!" tuwang-tuwang sabi ni Kuya Keith, "antagal ko nang gustong makasakay sa wrangler mo, eh. Sana araw-araw, ganyan ang mood mo para araw-araw na tayong magkasabay papasok sa school."

"Oo nga, kuya Kev... huwag ka nang pasaway..." wika ko tapos biglang nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize ko ang binitiwang mga salita. Napakagat tuloy ako sa ibabang labi ko saka napatingin sa kanya. Lumabi ako ng "sorry." Sinundot lang ako nito sa tagiliran at nagkatawanan kami. Tiningnan ko si Tita Mariana, wari'y in-ignore niya ang di-karaniwang pagbabago kay Kuya Kevin at kaswal lang itong ngumingiti-ngiti sa mga biruan namin. Pero tuwing napapatingin ito sa akin ay ngumingiti ito ng masaya, sa gayong paraan tila siya nagpapasalamat. Sa kung anuman, marahil ay dahil sa pag-alok ko ng pakikipag-usap sa kuya kong dati-rati'y bugnutin.

Sa darating si Nana Pacing at may iniabot sa aking isang balot. Sandwich iyon, sigurado ako. Alam kasi niya na nagdadala ako ng extra at may binibigyan akong kaibigan. Matapos magpasalamat ay nagpatuloy na kami sa pagkain. Patapos na kami nang bumaba si Uncle Frank at gaya ng dati, neat na neat itong tingnan. Ang suot nito'y maroon na long-sleeved shirt na pinarisan niya ng gold na kurbata. Batang-bata siyang tingnan sa suot niyang iyon. Bumati lang kami ng good morning sabay kiss sa pisngi bago nagpaalam na paalis na kami.

Palabas na kami sa pinto nang marinig ko ang tawag ni Kuya Kasey, kalalabas lang ng kuwarto niya. Siya lang sa buong pamilya ang may kuwarto sa ibaba. Personal choice daw niya ang gayon.

"Andrew, sandali nga..."

Nilingon ko sina Kuya Kevin at Kuya Keith at nagsabing mauna na sila sa sasakyan. Lumapit ako kay Kuya Kasey, medyo bantulot at nilambutan ko ang mukha.

"Kuya, pasensiya ka na kagabi."

"You have the nerve na sabihin sa akin iyan!" sabi ni Kuya Kasey, pabulong pero mariin.

"Kuya, hindi totoong girlfriend ko si Carla. Nagbibiro lang siya..."

"You could have negated her kung totoo man ang sinasabi mo."

"Pero nabigla rin ako dahil hindi ko alam kung saan nanggagaling ang mga pinagsasabi niya."

"Ang bata mo pa para magkaroon ng relasyon!"

Natigilan ako sa sinabi ni Kuya Kasey. Ang nagpapaawa kong mga mata ay napalitan ng pagkauya sa kanya. Hindi ko alam pero bigla na lang ako nakapagsabi ng, "So, parang umaamin ka na rin na sinamantala mo ang kabataan ko... ganoon ba?"

Siya naman ang natigilan. Parang nakakuha ako ng tiyempo doon kaya sinamantala ko ang pagkakataon, "Kung hindi ka maniniwala sa akin tungkol kay Carla, fine. Have it your way... Sinasabi ko lang sa iyo na nabigla lang ako kaya hindi ako kaagad nakasagot kahapon. Wala sa hinagap ko na gagawin ni Carla ang ganoon. Para lang sa kaalaman mo, nagkagulo rito sa bahay pagkaalis mo dahil sa pagpapanggap ni Carla. Itanong mo man kina Kuya Kyle, lahat sila, nagulantang sa gulo dito. Bandang huli, umamin din si Carla sa kalokohan niya..."

Hindi na nakakibo si Kuya Kasey. Tatalikod na sana ako, pero hindi pa rin ako nakuntento, "Pasensiya ka na, alam ko rin naman na masyado pa akong bata kaya hayaan mo, hinding hindi ako makikipagrelasyon… kahit na kanino!"

Natahimik kami pareho – hindi ko alam kung ano ang naglalaro sa utak ni Kuya Kasey pero ako, naglaro sa isipan ko ang mga nangyari sa amin.

"I... I-I didn't mean it that way..."

"You perfectly meant it. Hindi ba ikaw ang nagsabi sa aking I'm matured enough to know what's right and wrong? Bakit bigla-bigla, I'm too young to handle a relationship?"

"Dahil babae si Carla..."

"At lalaki ka?" medyo may kalakasan ang naging sagot ko kay Kuya Kasey kaya medyo nandilat siya. Pero hindi niya ako masagot.

Binabaan ko ng ilang level ang boses ko, "Male-late na ako sa school kuya. Let's just talk some other time." Hindi ko na hinintay ang pagtugon niya, tumalikod na ako agad at nagmamadaling lumayo. Pinilit kong baguhin ang mood ko nang makasakay sa wrangler.

"Ano na namang problema ni Kuya Kasey?" tanong ni Kuya Keith.

"Tungkol kahapon. Ayaw maniwala na nag-trip lang si Carla..." napasimangot ako sa pagsagot.

"Kahit naman ako, Andrew, hindi maniwala," sagot ni Kuya Kevin, "sa harap ko mismo, naghalikan kayo, eh."

Namula ako sa rebelasyon ni Kuya Kevin. "Kuya naman eh."

"Really?" sabat ni Kuya Keith, "loko ka ha! Baka unahan mo pa ako. Buti ka pa, nakaiskor ka na dun sa chick. Samantalang ako, hindi pa nga nakakalapit."

"Nilundag niya ako payakap. Hindi ko sinasadya iyon. Si Carla ang humalik sa akin."

Tawa ng tawa si Kuya Kevin. Saka ko lang naisip, parang ambilis ng pangyayari – halos buong panahon na nanatili ako sa bahay ng mga Thomases, hindi ko halos nakakausap ng maayos si Kuya Kevin dahil nga sa pagiging mapag-isa nito. Pero ngayon, heto't nakikipag-asaran at nakikipagtawanan pa siya sa amin. Hindi ko alam pero parang ngayon lang ulit ako nanibago.

Hanggang sa makababa ako sa harap ng school ay wala pa ring tigil sa panunudyo sa akin ang dalawa kong kuya. Hinayaan ko na lang silang tuksuhin ako. Nagbingi-bingihan na lang ako. Umalis silang tawa ng tawa.

Una kong hinanap si Marjorie pagdating sa iskul. Ikinuwento ko sa kanya ang mga pangyayari kagabi nang ihatid namin si Carla. Tawa lang ito ng tawa. Pero sinabihan ako nitong mag-ingat na lang dahil nga sa pagiging kilala ni Carla bilang playgirl. Hindi ko na dinetalye sa kanya ang SOP namin, pero nabanggit ko rin sa kanya iyon. Sumimangot siya.

"I'm not going to tell you what you should do. All I can say is, do what you want to do and learn from your experiences, kesehodang naging tama ka o nagkamali in the end," anito.

"So, hindi ka tutol kung sakaling maging kami ni Carla?" tanong ko.

"Kung ako ang tatanungin, tututol ako siyempre. Para sa akin kasi, hindi kayo bagay ni Carla kahit na maganda pa siya. Alam mo naman ang reputasyon niyan. Pero hindi naman ako ikaw. Kaibigan kita, at hindi kita tututulang matuto sa anumang gagawin mo. At saka hindi naman mapuputol ng pagkakarelasyon mo kay Carla ang pagkakaibigan natin, di ba?" litanya nito.

"Siyempre, hindi, ah. Pero, iyon naman ay kung sakali lang. Hindi ko sinabing magiging kami na nga ni Carla... gayunpaman, thanks, tsong! " sagot ko kay Marjorie saka ko siya niyakap. Normal na sa amin ang ganoon. Matapos kong magpasalamat ay lumapit si Warren at may tinanong kay Marjorie. Nagkuwentuhan muna kami. Hindi ko nakita si Carla hanggang mag-flag ceremony.

Makatapos ang seremonyas, nagpaalam ako kina Marjorie na hihintayin ko hanggang alas nuwebe ang guidance counselor naming si Mr. Robles. Siya kasi ang magbibigay sa akin ng special exams sa mga natira ko pang mga subjects. Nangako naman si Warren na ipagpo-photocopy niya ako ng mga discussions sa mga subjects. Nagpaalaman na kami at ako'y dumiretso muna sa canteen.

Ihinanda ko ang balot ng sandwich dahil gusto kong makita si Tatay Ben. Pagpasok ko pa lang ng canteen ay namataan ko kaagad siya na kausap si Gus. Napalingon ito nang bumukas ang pinto at nang makita ako'y parang nakakita ako ng pagkabigla at tila naging alumpihit. Nagpaalam ito saglit at akmang lalabas sa kabilang pinto – iniiwasan ako nito, sa palagay ko.

"Tatay Ben," malakas kong tawag. Hindi lang siya ang lumingon sa akin, pati ang apat na mga babaeng nakaupo sa mesa na nagkukuwentuhan – mga sophomores sa tingin ko.

"A-Andro..." sagot nito na napilitang lumapit sa akin.

Tinakbo ko ito at yumakap dito, kesehodang naroon si Aling Martha na kusinera, si Gus at ang apat na sophomores.

"Na-miss ko kayo 'tay," wika ko. Hindi ko pinansin ang tila malamig na pakikitungo niya sa akin at ang tila pag-iwas nito. Hindi ito gumanti ng yakap sa akin, pero hinayaan lang niya akong nakayakap sa kanya.

"B-Buti naman at magaling k-ka na at nakapasok," parang napipilitang banggit ni Tatay Ben nang humiwalay na ako.

Malaki ang naramdaman kong disappointment, pero pinilit kong magpakakaswal, "Upo muna tayo 'Tay. Usap naman tayo kahit saglit lang."

"M-May gagawin pa ako sa likod. P-Puwedeng... mamaya na lang?" tanggi nito.

Hindi ko na naitago ang pagkadismaya ko. Napawi na ng tuluyan ang ngiti ko at tiningnan ko siya ng mainam sa mata. Nag-iiwas ito ng tingin at nakakita ako ng panginginig sa ilalim ng mata nito. Hindi na lang ako nagsalita pero nagpahalata ako ng pagkapahiya Magkagayunman,  hindi rin siya umaalis sa kinatatayuan niya na parang may hinihintay.

"Akala ko pa naman, matutuwa kayo kapag nagkita tayo..." hinampo ko, pabulong.

"A-Andro..."

"Hindi niyo naman ako kailangang iwasan... hindi naman ako umiiwas sa inyo, ah. Huwag niyo naman ako itulad sa ibang taong nakikilala niyo noon. Wala akong pakialam kung anuman kayo noon, basta ang alam ko, Tatay Ben ko kayo ngayon. Akala ko ba, kaibigan niyo ako. Ayaw niyo na ba sa akin?" hindi maiwasang mangilid ang luha ko habang nakikita ko ang parusang iginagawad ni Tatay Ben sa sarili niya.

Nagpalinga-linga si Tatay Ben, alam ko, medyo nakakatawag-pansin ang sitwasyon namin kahit halos bulungan lang ang naging usapan namin – dahil iyon sa naging malamig na pagtanggap niya sa akin.

"H-Hindi ka galit sa akin?"

"Tay naman... lalapit ba ako sa inyo kung galit ako sa inyo? At saka, bakit naman ako magagalit sa inyo?" pinilit kong ngumiti sa pagkakataong iyon, saka nagsabing, "tara, upo muna tayo doon sa tabi. Ito nga po pala, para sa inyo," aya ko sabay bigay ng sandwich na nakabalot.

"Pasensiya ka na, hindi na ako nakapunta sa ospital..." pahayag ni Tatay Ben, halatang nahihiya at parang alumpihit sa pakikipag-usap sa akin pero tinanggap naman ang ibinibigay ko, "salamat dito, ha?"

Nang makaupo na kami'y kinuwentuhan ko siya ng mga masasayang kuwento at pilit kong inililihis ang usapan namin sa ibang topic. Napansin kong hindi na nakatingin si Tatay Ben sa akin. Nang makita niyang nakatingin ako sa kanya'y, napangiti ito at inginuso ang tinitingnan niya. Napalingon ako at kumaway ang isa sa apat na mga babaeng nagkukuwentuhan. Ngumiti na lang ako at kumaway bilang tugon.

"Mukhang tinamaan sa iyo, ah. Sabagay, sino ba'ng hindi?" ani Tatay Ben na parang nakuha ko ang ibig sabihin. Tumitig ako sa kanya. Nakangiti lang ito na nakatingin sa mga babae, pero malungkot ang mga mata.

Sumeryoso ako, "Tay," pukaw ko sa kanyang atensiyon. Ibinaling niya ang tingin sa akin. Pabulong akong nagsalita, "Magkaibigan tayo at walang nabago doon. Sana, ganoon din kayo sa akin. Kung gaano niyong pinahalagahan ang pagkakaibigan natin, ganoon din po sa akin. Kung anuman ang nangyari, pareho tayong pumayag. Hindi naman natin kailangang ipagsabi iyon, atin-atin na lang. Basta ang mahalaga, huwag sanang mabahiran ng maski na ano ang friendship natin."

Nakita kong nangilid ang luha ni Tatay Ben. Pakiramdam ko'y gumaan ang kaniyang pakiramdam nang mga sandaling iyon. Natapos ang aming usapan na nabalik kahit papaano ang mga kinang sa mga mata ni Tatay Ben.

"Balik na lang po siguro ako mamaya, Tay. Exam po muna ako. Alas nuwebe kasi ako inaasahan ni Mr. Robles, eh," paalam ko sa kanya na tinanguan naman niya. Saka na lang ako umalis patungo sa guidance office na may ngiti sa aking mga labi.

No comments:

Post a Comment